Pages

Wednesday, October 3, 2012

Fw: RELEASE | 'Tigil-demolisyon ni Roxas, pang photo-ops lang'--Kadamay

Sent from my BlackBerry® powered by Sun Cellular

From: Kadamay PID <kadamaypio@gmail.com>
Date: Wed, 3 Oct 2012 11:58:16 +0800
Subject: RELEASE | 'Tigil-demolisyon ni Roxas, pang photo-ops lang'--Kadamay

RELEASE
Oktubre 3, 2012


'Tigil-demolisyon ni Roxas, pang photo-ops lang'--Kadamay
Mga grupo ng maralita, maglulunsad ng solidarity lunch para sa mga biktima ng demolisyon sa Guatemala

Isang linggo matapos ang marahas na demolisyon sa Guatemala sa Makati City, maglulunsad ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at iba pang grupo ng maralita mula sa Metro Manila ng isang solidarity lunch sa gymnasium sa Guatemala Compound.

Pitong pamilyang maralita ang ngayon ay pansamantalang naglalagi sa butas-butas na gymansium habang 14 na pamilya naman ang nakatira sa tabing bangketa ng Guatemala St matapos silang mawalan ng tirahan noong Setyembre 24.

Kahapon, isang maralita naman ang napaslang sa gitna ng sagupaan sa pagitan ng mga nagbabarikadang residente ng Brgy San Roque sa Tarlac City at ng kapulisan at demolition team. Noong Lunes, nakaantabay din laban sa posibleng demolisyon ang mga maralita sa Sitio San Roque, North Triangle, na ayon sa balita ay ipinahinto ng bagong upong DILG Secretary Mar Roxas.

Photo-ops ni Roxas

Ayon kay Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kadamay at convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon, tila pang photo-ops lang ang ginawang pagpapahinto ni Roxas sa demolisyon sa North Triangle noong Lunes sa unang araw niya bilang kalihim ng DILG.

"Habang nagpapatuloy pa rin ang banta ng demolisyon sa maraming komunidad ng maralita sa kasalukuyan, at walang napapanagot sa mga tiwaling opisyales ng mga LGU at kapulisan na nasa likod ng pandarahas sa mga maralita, walang dapat ipagyabang si Roxas na naiintindihan niya ang kalagayan naming mga maralita.

"Kung talagang sinsero si Secretary Roxas na itaguyod ang kapakanan ng mga maralita sa pagpapatigil niya ng demolisyon sa San Roque, North Triangle noong Lunes, dapat sana ay inaksyunan na rin niya ang naganap na demolisyon sa Guatemala, kabilang na ang pagpapanagot kay Mayor Junjun Binay," ani Badion.

Berdugo ng maralita

Kasabay ng pagtitipon ng mga maralita sa Guatemala ngayong tanghali ang pagsasampa ni encumbent Makati Mayor Junjun Binay ng certificate of candidacy sa lokal na opisina ng COMELEC upang muling tumakbo bilang alkalde ng lungsod.

Tinawag na mga maralita ng Guatemala na 'berdugo' ang anak ng bise-presidente ng bansa.

Sa pahayag ng Guatemala Neighborhood Association-Kadamay, sapat na umano ang karahasang dinanas ng mga maralita ng Makati City sa kamay ni Mayor Binay. Ayon sa grupo, dapat managot ang alkalde hindi lang sa nangyari sa Guatemala kundi pati na rin sa marahas na demolisyon sa Laperal Compound noong Abril nakaraang taon.

"Noong naganap ang marahas na demolisyon sa Laperal Compound, kung saan isa ang nasawi, nakita namin ang sinseridad ng DILG nang kagyat ipinatigil ni Secretary Robredo ang demolisyon ng mga squatter sa Laperal. Ngunit hindi pinakinggan ng alkalde si Robredo," ani Lino Ojos, pangulo ng GNA-Guatemala.

Nanawagan ang mga residente ng Guatemala at kanilang mga taga-suporta sa kanilang inilunsad na solidarity lunch na mabigyang hustisya ang mga biktima ng demolisyon sa lungsod.

Ika-11 maralitang pinaslang dahil sa paninirahan

Mariing kinondina rin ng Kadamay ang marahas na demolisyon sa San Roque, Tarlac City kahapon na humantong sa pagpaslang sa isang kasapi ng Anakpawis-Tarlac.

Ayon kay Badion, si John Cali Lagrimas ang ikalabing-isang biktima ng pamamaslang sa mga maralita dahil sa giyerang inilulunsad ni Pangulong Aquino laban sa mga informal settler.

Pambansang tigil-demolisyon

Muling hinamon ng Kadamay si Secretary Roxas na itigil na ang nagaganap na demolisyon sa buong bansa, at imbestigahan at tiyaking may managot sa mga violations ng mga LGU at kapulisan sa pagpapatupad nila ng mga iligal na demolisyon.

Hangga't hindi umano hinaharap gubyerno ang problema ng maralita kaugnay sa kanilang paninirahan, dadami pa ang mga mapapaslang at masasaktan sa paglaban ng mga maralita para sa kanilang karapatan. Sa tala ng Kadamay, may higit 16,000 pamilya na ang nawalang ng tirahan sa loob ng dalawang taong panunugkulan ni Aquino.

Ani Badion, "Hindi sila titigil sa kanilang pagbabarikada hangga't hindi napapatalsik ang elitista at makadayuhang nakaupo sa Malacanang na kung itrato ang maralita ay mga kriminal at walang karapatan."  ###

Reference: Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kadamay, 0939.387.3736


--
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
12-A Kasiyahan St, Brgy Holy Spirit, Quezon City

No comments:

Post a Comment

Site visitors can use the comment form to send their email messages to anyone at DZRH. As your messages will go to a single secure email address, please INDICATE TO WHOM your message is for. Thank you.