HINIRANG na ni Pangulong Noynoy Aquino si DOTC Sec. Mar Roxas bilang DILG Secretary at ipinalit naman sa DOTC si Cavite Cong. Joseph Emilio Abaya.
Ginawa ng Pangulo ang pormal na anunsyo sa Presdient's hall ng Palasyo ilang araw matapos ilibing si DILG sec. Jesse Robredo.
Ayon kay Pang. Aquino, kumpiyansa at tiwala siya kay Roxas na maipagpapatuloy nito ang mga iniwang programa ni Sec. Robredo sa DILG.
Inihayag pa ni PNoy na alam niyang magagampanan ni Mar ang posisyong iniwan ni Robredo dahil sa siya ang Pangulo ng Liberal Party at may malawak na karanasan sa pangangasiwa at bumabalikat sa responsibilidad sa partido.
Inaasahan naman ang malawakang pagbalasa sa DILG matapos bigyan ng go signal ni Pangulong Aquino si Roxas na pumili ng kanyang mga tauhan at opisyal sa ahensya.
Si Roxas ay dating Senador, naging House Majority Leader at tumakbong Vice-Presidential candidate noong 2010 Presidential elections.
Samantala, sinabi ni Aquino na kailangan din ng isang mahusay na opisyal na pupuno sa iiwanang pwesto ni Mar sa DOTC at pinagkakatiwalaan natin ang kakayahan ni Cong. Abaya.
Kaugnay nito, nakiusap naman si Pang. Aquino sa Commission on Appointments na agad kumpirmahin sina Mar at Jun sa lalong madaling panahon para makapag-simula na sila ng kanilang gawain.
Inamin din ng Pangulo na si Roxas ang unang sumagi sa kanyang isip na maaaring ipalit kay Robredo nang malamang namatay ito sa aksidente.
Kapwa naman nagpasalamat sina Roxas at Abaya kay Pangulong Aquino dahil sa tiwala at kumpyansa nito.
Bago pumasok sa pulitika, si Abaya ay dating aide de camp o military aide ni dating Pangulong Cory Aquino mula 1991 hanggang 1992..
Nag-aral bilang navy officer sa Annapolis Naval Academy at sa Philippine Military Academy.
Nagtapos din si Abaya bilang abugado sa Ateneo de Manila University habang siya ay nagsisilbing Congressman ng Cavite.