INUPAKAN ni Senador Ping Lacson ang Simbahang Katoliko sa pagpapakalat ng maling impormasyon na ginagamit ang pulpito tuwing nagsesermon ang mga pari tungkol sa Reproductive Health bill.
Ginawa ni Senador Lacson ang banat matapos niyang marinig mismo sa misa na nagsasagawa ng disinformation campaign ang pari na ang RH bill ay nagpo-promote o pinapayagan ang aborsyon.
Ayon kay Lacson, hindi niya nagustuhan ang sermon ng pari dahil mali ang ipinangangaral nito sa mga deboto gayung malinaw at alam ng tao na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng aborsyon sa bansa.
Katunayan sinabi ni Lacson na isusulong niya sa period of amendments na dagdaga ang parusa sa aborsyon at iba pang kahalintulad na aktibidad.
"Ang hindi ko lang nagugustuhan sa ginagawa ng simbahan ay mayroong disinformation lalo na sa pulpito. Napakaliwanag na disinformation campaign at ipinapakalat nila na ang RH bill ay pinapayagan ang aborsyon, hindi po totoo yan at nananatiling illegal ang aborsyon," ayon pa kay Lacson.
Tiniyak ni Lacson na mananatili ang "stand" niya na pro-RH dahil masusi niya itong pinag-aralan at napapanahon ng pagtibayin ang panukala para sa kapakanan at kaalaman ng mga ina.
Nilinaw pa ng senador na walang sinumang tao ang naka-impluwensya sa kanya hinggil sa magiging boto niya sa RH bill.
Iginiit ni Lacson sa mga kasamahang senador na pairalin ang "conscience vote" dahil sa malinaw naman sa lumabas na survey na halos 75 porsyento ng mga Pinoy ay sumusuporta sa RH bill para sa de kalidad na pamumuhay ng mga mamamayan. (FLORANTE ROSALES)
No comments:
Post a Comment
Site visitors can use the comment form to send their email messages to anyone at DZRH. As your messages will go to a single secure email address, please INDICATE TO WHOM your message is for. Thank you.