Kahit malayo pa ang 2016 Presidential Elections, lumulutang na ang pangalan ni Sen. Ping Lacson na posibleng maging kandidato ng administration party.
Ito'y matapos umugong ang tambalan nina DOTC Secretary Mar Roxas at Sen. Chiz Escudero sa ilalim ng Liberal Party, gayundin sina Vice-President Jojo Binay at Sen. Jinggoy Estrada bilang Presidential at Vice-Presidential candidates sa 2016.
Nang tanungin si Senador Lacson hinggil sa isyung ito, sinabi ng graduating senator na ang pagiging Pangulo ng bansa ay hindi hinahangad kundi isa itong kapalaran o destiny.
Sinabi ni Lacson na kung hindi nauukol ay hindi talaga mananalo bilang pangulo kahit magpa-gulong gulong pa ang isang pulitiko.
"Yung presidency it's a matter of destiny. Sa tingin ko marami na sa political history na people who never expected to become president became president, and people who had prepared long enough and capable naman sila at preparadong preparado, for some reason may nangyayari di nila nakukuha. ibang aspiration sa buhay kung para sa iyo para sa iyo. At kung hindi para sa iyo maski gumulong-gulong ka, magtumbling-tumbling ka hindi mo makukuha," paliwanag pa ni Lacson
Samantala, hindi umano umaasa si Lacson sa posibilidad na hirangin siya ni Pangulo Aquino bilang DILG Secretary pagkatapos ng kanyang termino sa 2013.
Sinabi ni Lacson na hindi niya ugali na mag-lobby sa Pangulo o kumausap ng mga kaibigan para isiksik ang sarili sa palasyo.
Inihayag pa ni Lacson na magpapasalamat siya sa Pangulong Aquino kung itatalaga siya sa anumang pwesto sa gabinete at magpapasalamat din siya kung hindi na nito guguluhin ang kanyang pagbabalik sa pribadong buhay. (FLORANTE ROSALES)
No comments:
Post a Comment
Site visitors can use the comment form to send their email messages to anyone at DZRH. As your messages will go to a single secure email address, please INDICATE TO WHOM your message is for. Thank you.